Friday, April 29, 2011

The Queen's Pawn



Ang Sabi ni Juan:
The Queen’s Pawn

Ang sabi ni Juan, noon pa niya hinulaan
Na si Aling Merceditas sa posisyon ay bibitaw
Ang kanya pong tindig na noo’y palaban daw
Sa sarili niyang kuro, kunya-kunyarian lamang

Kaya nang mabalita, si Gutierrez ay nag-resign
Itong si Mang Juan, napa-smile na lamang
Ang mga nabigo pong, impeachment ay matunghayan
Labang Paquiao Vs. Mosley, abangan na lamang daw

Ang opinyon po ng bayan ay napakalakas
Baraha ni Gutierrez, wala na ring alas
Kung sakali po kasing, sa laban ay mangangahas
Higit daw na kahihiyan, magiging katumbas

Ang kabutihan daw nito, gobyerno ay nakatipid
Gagastusing pera, sa iba na magagamit
Ang bagong Ombusdman na kay Gutierrez ay papalit
Makauupo na sa puwesto na walang balakid

Ang payo ni Juan sa Ombusdman na uupo
Alikabok ay pagpagin sa kasong ‘di naluluto
Ito ay busisiin, sa Sandigan ay ibuslo
Upang ito’y umusad na’t, mandarambong ay mahoyo

Sa “political chess game” ni PNoy at Gloria
At pagkawala ng “Queen’s Pawn” na protector niya
Nakabawas daw ito kay GMA na depensa
At end game raw po nito, kay GM PNoy nakakilya

Ang sabi ni Juan, iigting pa raw ang labanan
At sa ating pulitika, tuloy-tuloy ang salpukan
Opisyal na malalantad, una ditong mabubuwal
Pero “check mate” po kay GMA, hindi pa rin natatanaw

Malayang Isip
Dimasalang. Philippines
April 29, 2011

No comments:

Post a Comment