Saturday, February 26, 2011

EDSA Uno EDSA Dos at Tiwarik Nating Mundo



Ang Sabi ni Juan:
EDSA Uno, EDSA Dos, at Tiwarik Nating Mundo

Ang sabi ni Juan, siya daw ay nalulungkot
Sa pagdiriwang ng EDSA Uno, may nakasimangot
Ang ipinagsisintir daw po ng dito ay nakisangkot
Ang bansa daw po natin, patuloy na nakalugmok

Napatalsik daw po natin sa peaceful revolution
Si Makoy na nag-lider, nang dalawampung taon
Ngunit sa halip pong Pilipinas ay umahon
Lalo pa pong nahulog sa malalim na balon

Mga lider na pumalit, ‘di po yata epektibo
Sa pamamahala nila, tila nagka-gago-gago
Sa panahon ni Cory, naging malamya po
Sa gobyerno ni Fidel, umangat po ng medyo

Nang si Erap na po ang maging pangulo
Nag-EDSA Dos naman, tayong mga Pilipino
Umakyat po si Gloria, sa binakanteng trono
Ngunit ang sumunod, nine years na impiyerno

Habang populasyon po, patuloy na lumolobo
Tumataas ang bilihin, wala din pong ma-trabaho
Mga opisyales po naman sa ating gobyerno
Kurakot dito, kurakot doon ang ginagawa po

Sa panahon ni GMA, nagkawindang-windang
Ang EDSA Dos po niyang ipinagpa-parangalan
Dito po sa corruption, tayong nasa top one
Sistemang nagpatuloy, sa lahat halos ng sangay

Kaakibat po nito, dumami ang nagugutom
Bigas po ay pinilahan ng mga taong nananaghoy
Karampot na kinikita ng ordinaryo pong Pinoy
Sa pag-akyat po ng presyo ‘di na sila makahabol

May mga nagsasabing, demokrasya po natin
Sumobra sa kaluwagan, at nawalan po ng ngipin
Kalayaan ng lider nating, animo isang “kingpin”
Sistema ng sindikato” ay puwede niyang pairalin

Ngayon po ay nakatuon, ang ating pag-asa
Sa gobyerno ni P-NOY na anak rin po ng EDSA
Sa kanyang pamumuno gumawa sana ng reporma
Na susupil sa tiwaling, ninanasa’y milyong pera

Pagtuunan din daw niya, ang sanhi kung bakit
Ang “power rate” sa Pilipinas, sumasagad na sa langit
Ang bansa daw pong Japan na maunlad ang mga business
Mas mababa pa ang singil sa power na ginagamit

Kung noon ay nagsisikip, ngayon daw ay papahigpit
Ang lubid na nakatali sa leeg ng masang gipit
Kunsintidor na opisyales, na sa puwesto’y nakakapit
Katulong ng negosyanteng ang bayan ang hinahaplit

Ang sabi ni Juan ‘di niya maisip ang lohika
Sa utak ng mga taong sa presyo’y nagmanipula
Sa mundo pong balansiyado malinaw na makikita
Na tayo pong Pilipino, tinatarget lang ng buwaya

Kung gobyerno ni P-NOY, dito’y walang magagawa
At “tiwarik nating mundo” ‘di po niya itatama
Ang sabi po ni Juan, wala na siyang mawiwika
Ang iiwan na lamang niya, kay Mandy na talinghaga

“Ang iyak ng sanggol, na bahagyang ingit
At ‘di pinapansin ang sanhi kung bakit
Sa oras na sila’y humabi ng awit
Asahang palahaw, guguhit ng lintik”

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
February 25, 2011

No comments:

Post a Comment