
Ang Sabi ni Juan:
Corporate Greed
Ang sabi ni Juan, napopoot na ang tao
At ito’y madarama, sa iba’t ibang panig ng mundo
Sa mga bansang mauunlad, target ngayon ng kritiko
Ang pagiging “corporate greed” daw ng nagnenegosyo
Labis na “kasakiman”, inilalarawan po nila
Ang mga naghaharing uri ng iilang kapitalista
Ekonomiya sa buong mundo, ang minamanipula
Kaya pamumuhay ng tao, lalo raw pong sumasama
Sa bansang Pilipinas, malayo daw na mangyari
Ang katulad na protesta, sa naghaharing mga uri
Ang nagsabi po nito, tila hindi raw nagsusuri’t
Minemenos ang Pilipinong, mapagtiis, mapagtimpi
Ang sabad ni Mandy, sa bansa nati’y “mas talamak”
Ang mga kapitalistang, masisiba’t mapang-hamak
Kanila pong sinisikil, karapatan ng mahihirap
na obrerong nagnanais, na ang buhay, mai-angat
Dito raw po’y ilan lamang, ang may kontrol sa negosyo
Na sinasadyang maniobrahin ng "cartel" at "monopolyo"
Sila po ang nagdidikta, sa labis na tinutubo
Sa basbas po ng “alagad”, na may opis sa gobyerno
Depensa ni PNoy, ‘di raw siya kumakampi
Sa mga negosyante, kaya protesta’y ‘di mangyayari
Ito nama’y sinalungat, ni Mandy na nangingiwi
“Ang pagkampi daw po ay katulad din ng pangungunsinti”
Sa bansang Pilipinas daw, pinaka-expensive ang power
Na ang ERC ang nagbabasbas, kapag ito ay nag-higher
Si PNoy ba’y may ginawa para ito mai-lower?
Katwiran n’ya ay “hands off” s’ya, at ni walang kiber
Ang Oil Deregulation Law, bakit di raw mai-repeal?
Tanong n’ya sa kongresistang, magaling lang ‘pag may hearing
Dahil ‘di umano sa “lobby fund” ng sa langis nagka-cartel
Pang-tapal sa nagbabalak, na batas po ay salingin
Dalawa lamang daw ito sa kapitalistang mga “buwaya”
May malalaki’t, maliliit rin, pero pawang masisiba
Kung humamig po ng tubo talaga pong sumosobra
Kaya pobreng mamamayan, hukot na po’t nakukuba
Sa mga negosyong, nabanggit daw po ni Juan
Ang buhay at pamumuhay dito halos nakasandal
Transportasyon at enerhiya, gamit natin araw-araw
Ganoon din po sa negosyong lubha itong kailangan
Dahil nga po importante, sa buhay ay mahalaga
Kaya naman mga buwaya, todo rin po kung mag-piyesta
Ang “middle class” natin ngayon, sabi’y umaaray na
Ang mga pobre pa po kaya ang dito ay makahinga?
Ang paalala ni Juan, sa maraming negosyante
Na labis ang katakawan at pagka-ganid sa salapi
Huwag daw pong abusuhin, Pilipinong nagtitimpi
Baka kapag sumambulat, mapawi ang inyong ngiti
Inihambing po ni Juan sa aso na nagugutom
Mga taong naghihirap, panay lang po sa pagkahol
Ngunit kapag tumigil na at isip daw ay maulol
Gahaman pong negosyante ang titikim ng daluyong
Nangyayari raw sa bansang, malalaki’t mauunlad
Hindi natin akalaing, protesta’t, suporta ay magaganap
Kay PNoy na nagsasabing ‘di daw tayo matutulad
Ang talinghaga raw ni Mandy ang sa kanya’y ihahayag
“Ang iyak ng sanggol, na bahagyang ingit
Na ‘di pinapansin, ang sanhi kung bakit
Sa oras na sila’y humabi ng awit
Asahang palahaw nila’y guguhit ng lintik”
@ Malayang Isip
Dimasalang. Philippines
October 18, 2011
No comments:
Post a Comment