
Ang Sabi ni Juan:
Sa Mundo ng Facebook
Ang sabi ni Juan siya raw ay iiskiyerda
At mananahimik kahit pansamantala
‘Di raw siya pipilantik o kaya ay pupuna
Sa isyu na lumulutang, magmamasid daw po muna
Maging dito sa Facebook na binibisita
Ay sisilip na lamang siya nang panaka-naka
Kung meron daw tsansa, ang tweet niya’t talinghaga
Ipoposte pa rin dito’t sa pader ay itatala
Sa maikling panahon daw na siya’y nagpe-facebook
May maganda at pangit s’yang dito ay naarok
Sa social networking totoong may nahu-hook
Pero meron din pong nabibiktima ng crook
Ito rin daw Facebook malaki ang pakinabang
Sa mga impormasyo’t pakikipagtalastasan
Mga taong nagpe-facebook, ito rin ang libangan
Ang ilan ay adik na’t sa computer nakatunghay
Iba’t ibang tao ang dito ri’y makikita
Merong tapat, merong hindi na makikilala
Meron ding mga tuso na inosente ang puntirya
Kaya kadalasan, kawawa po ang biktima
May mga tao ring gamit itong hanap-buhay
Ang kanilang produkto, ipinoposte po lamang
Meron namang hinahanap libo-libong kaibigan
At kaanak na nalayo’t matagal na nawalay
May mga magkaibigan na naging magkaaway
Dahil sa sagutan at komentong ibinigay
May tao ring mapapansin na dito ay nagyayabang
At ang ila’y nagbabanta, naghahamon ng sakitan
Makikita din sa pader, nakasulat na mga bagay
Ang “pagkain”, ang “pag-hikab”, ang “pag-utot” at “pag-dighay”
Ito raw po ay paramdam na nagsulat, gumagalaw
Gayong buong mundo, sa tala n’ya’y nakatunghay
Ang sabi ni Juan, patuloy daw na iinog
Ang buhay ng mga taong, mundo ay itong Facebook
Ang payo lang niya, dapat bigyan ng second look
Ang mga manlolokong dito rin po’y nag-iikot
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
July 2, 2011
No comments:
Post a Comment