Friday, June 10, 2011

De Lima's Dilemma


Ang Sabi ni Juan
De Lima’s Dilemma

Ang sabi ni Juan, siya ay namangha
Sa mga sikretong, sa Bilibid ay lumuwa
Sa loob ng piitan, mga kubol ay ginawa
Parang hotel daw ang silid, nakatira’y mga “tsekwa”

May sariling susi’t kumpleto sa kagamitan
Na animo’y hindi preso, mayayaman na kriminal
Ito ay kinunsinti ng sa BuCor nanungkulan
At naging “kapural” sa sistemang pinairal

Sistema raw ay minana’t nagpasalin-salin
Na hindi itinuwid kahit na po napapansin
Ngayong nahayag na at sila ay nabuking
Imposibleng walang pera na dito ay pinatining

Nag-utos si De Lima, mga kubol ay lansagin
Pero naging sagot, “magra-riot” pag sinaling
Nagbabanta’y mga preso, na sa loob astig pa rin
Sa paglabag sa tuntunin, tila baga mga kingpin

Binawi raw ni De Lima, ang naunang kautusan
Siya raw ba at natakot? Nagtatanong po ay si Juan
Ang order n’yang iniatras, senyales ng karuwagan
At ang responsibility, tila ‘di kayang matugunan

Patakaran daw ng BuCor, sa manual lang nakasulat
Pero ang nilalaman hindi raw po tinutupad
Sarili raw panuntunan, na sa bibig lumalabas
Ang siyang nangyayari’t opisyal ang nagbabasbas

“Only in the Philippines ang ganito raw tindig
Komentaryo ni Mandy na ang ulo’y pumipilig
Ang dapat daw ibilanggo at itapon sa Bilibid
Opisyales ng tanggapang, sa sistema’y nagpalawig

Ito ngayon ang “dilemma” ni Secretary De Lima
Kung paano gagamutin, ang sa Bilibid ay problema
Ang kanyang babanggain, bilanggo pong kumakasa
Na salapi’y makamandag, nababalot pa ng droga

Command responsibility”, ito’y dapat n’yang akuin
Gaya po ng sinabi, ng Senador nating si Ping
Sa kanyang opisina, ang BuCor ay nakalimlim
Kapag itlog ay nabugok, dapat siya ang sisihin

Itong ating correctional maliit lang sa tingin
Ngunit itong mukha, tila higanteng salamin
Ang “corruption” po dito, sa ugat na nakatanim
At sa pag-overhaul, dugo na dapat ang sipsipin

Ang payo ni Juan sa babaeng sekretarya
Ang “kamay na bakal”, isuot daw po muna
Umakto raw na lalaki, at may “balls” s’yang dinadala
Ang baluktot ay ituwid at ang mali ay itama

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
June 10, 2011

No comments:

Post a Comment