Monday, May 9, 2011

Face to Face



Ang Sabi ni Juan:
Face to Face

Ang sabi ni Juan, hindi raw po exciting
Ang labang Paquiao-Mosley sa ibabaw ng ring
May mga nabigo ring si Shane ay mag-i-sleeping
Sa suntok po ni Manny na nakakaduling

Sa kanya pong napanood, ang tunay na nangyari
Nang sa ikatlong round, bumagsak si Mosley
Ito po ay natakot at labis na nag-worry
Kaya takbo, yakap, iwas naging strategy

Opinyon ni Juan na nag-aanalisa
‘Di siya kuntento sa boxer na ikinasa
Kung baga sa pagkain, si Mosley ay tira-tira
Na ang layunin lamang, kumita at mamahinga

Sa tatlong huling laban ng Pambansang Kamao
Na palagi namang siya ang nananalo
Ang inaasahan pong laban na mga eksplosibo
Hindi na po nakikita, one sided at walang KO

Sa laban kay Clottey na naging punching bag
Nawala ang excitement sa ginawang puro salag
Kay Margarito naman na mukha ay nabasag
Natapos ang labang hindi rin natibag

Ang kailangan ni Manny boksingerong lumalaban
Na handang sumagupa sa “face to face” na labanan
Dito natin masusukat ang tunay n’yang katangian
Na posibleng yumabong pa at ang husay ay kuminang

Sa mga mandirigmang kay Paquiao ay nakapila
Itong si Mayweather ay mas boring kung umasta
Kapag sila ang naglaban, asahan ng inyong mata
Mapipikit, maiidlip, sayang lang ang inyong pera

Mas mabuting si Marquez, sa kanya ang itapat
Dahil may record po siya na hindi rin umaatras
Bukod dito’y mase-settle ang aklat na walang wakas
At ang bibig ni tukayo, mabubura na ang angas

Ang sabi ni Juan kung gusto nating malaman
Na ang isang tao, ang “da best” sa larangan
Ang dapat daw na iharap at makakasukatan
Iyong da best din pong tao na lalaban ng "sabayan"

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
May 9, 2011

No comments:

Post a Comment