
Ang Sabi ni Juan
Sa Ikatitipid ng Bayan
(Bisikleta ang Kailangan)
Ang sabi ni Juan, sa isyu ng bisikleta
At kay Miriam Santiago na ipinanunukala
Paglalagay daw ng “bike lane” sa ating karsada
Napapanahong plano na ang epekto ay maganda
Si Juan daw ay sumusuporta pag natuloy ito
Bagamat ang gobyerno tila “reluctant” po dito
Binalak na po dati ang panukalang ganito
Pero nagpatumpik-tumpik mga dating namumuno
Sa panahon ni Bayani, dating MMDA Chairman
Para raw sa bisikleta, karsada ay ginuhitan
Ngunit ito nga po, hindi rin daw nagtagumpay
Dahil ang mga sasakyan, dito pa rin nagdaraan
Aksidenteng may kinalaman, mga motorsiklo
Ay napakarami kung basehan ay porsiyento
Ang sanhi nga po nito, kanilang kahalubilo
Malalaking sasakyan, na paroo’t parito
Kapag dito’y inihalo, maliliit na bisikleta
Ang kawawang mga biker, tiyak pong mapipisa
Kaya kung itong bike lane, ipapanukala
Siguruhin po lamang na hindi sila kawawa
Kung sa version ni Miriam, guhit din ang ilalagay
Sa panukalang bike lane na muling binubuhay
Huwag na lang daw ituloy, dahil ito’y masasayang
At aksaya sa pintura, dahil hindi daraanan
Mungkahi ni Juan, sa bike lane raw ay maglagay
Ng espasyong bisikleta ang tangi lang na daraan
Ito’y dapat na may railings o bangketang nakaharang
Upang hindi madisgrasya ang biker na naglalakbay
Marami raw na advantage, paggamit ng bisikleta
Ito’y isang transportasyong kahit sino’y makakaya
Bukod pa po sa exercise na atin pong magagawa
Mga taong matataba, mantika ay mapipiga
Sa mga obrerong maliliit ang kinikita
Sa mataas na pasahe, kinakapos na po sila
Kung sila ay gagamit ng kanilang bisikleta
Ang matitipid nila dito, gagastusin sa pamilya
Konsumo ng langis, tiyak din daw na bababa
Dahil ibang motorista posible po na gumaya
Mga babae at lalaki, mga bata’t matatanda
Sa ligtas nating bike lane, labis silang matutuwa
Ang sabi ni Juan, sa ikatitipid daw ng bayan
Mga bisikletang sasakyan, ang ating kailangan
Huwag tayong dumepende sa de-langis na sasakyan
Dahil enerhiyang ganito, lalo pa pong magmamahal
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
April 28, 2011
No comments:
Post a Comment