Friday, March 4, 2011

Sa Panaginip... Doon Lang



Ang Sabi ni Juan
Sa Panaginip… Doon Lang

Ang sabi ni Juan, sa sistema ng hustisya
Ang sambayanang Pilipino ay nadidismaya
Sobra na pong binalahura, at nakakasuka na
Ito po ang umiiral, na atin pong nakikita

Tayo raw mga Pinoy, may sariling bansa
May gobyerno rin po tayo na nangangasiwa
May batas na umiiral na layunin at adhika
Ay pantay na karapatan sa lahat ng nagkasala

Ngunit ang hustisya, dalawa ang pagmumukha
Iba raw sa mayaman, iba rin sa mga dukha
Sa mayamang nagkasala, batas nati’y lumalamya
Sa dukha na nakalabag, mas astig daw po yata

Si Juan po ay may kuwentong sa inyo ay ilalahad
Istorya ng dukhang ama na ang batas ay nilabag
Ang rason daw sa ginawa, labis siyang nahahabag
Sa pamilyang 'di kumain, sa maghapon at magdamag

Siya po ay naka-isip, magpunta sa talipapa
Ngunit sa bulsa niya, kahit kusing po ay wala
Sa nilapitang tindahan, palihim n’ya na dinakma
Ang noodles na nakapatong, nang tindera ay luminga

Sa kanyang pag-uwi, kinalong muna ang bunso
Upang noodles na “inumit,” misis niya ang magluto
Habang sila’y kumakain, bumukas daw itong pinto
Mga pulis ay pumasok, kasama ang nagtuturo

Sa harap ng misis niya, ang ama ay kinulata
Nang siya ay bumagsak, sinundan pa ng sipa
Ang ama ay kinaladkad, ipinosas, isinama
At pati po asawa niya, binantaa’t minura pa

Ang ama ay ikinulong, sa selda s’ya ay natengga
Sa bisa ng testimony ng testigong nakakita
Ang noodles po na inumit, katorse pesos ang halaga
Ngunit ang parusa n’ya, ilang buwang pagdurusa

Sa kabilang dako, ng hati nating mundo
May ama po na nagnakaw, heneral ng ating hukbo
Nang sila po’y mahalata, at ang sala ay mabuko
Daang milyon na pong pera, sa bangko ang naitago

‘Di tulad ng amang dukha, na agad pong ipiniit
Ang heneral na nagnakaw, malaya pang lumiligid
Milyones na dinambong n’ya, kanya pa pong ginagamit
Pambayad sa abugadong, sa kanya ay nakadikit

Sa pagdinig ng Senado, heneral po ay kinuwestiyon
Ngunit bukang-bibig, ay “right to self incrimination
Pati na po ang misis n’ya na sa biyahe’y naglimayon
Nag-inarteng umiiyak, bigla pong na-alta-presyon

Sa harap ng madlang pipol, na sa kanila’y nanonood
Ginagago ang Senador sa sagot na pambibilog
Sa taon pong nakalipas, tila batas nakatulog
Dahil 'di po nakasuhan, heneral sa pandarambong

Suggestion ng kaibigan, dapat pulis ay umakto
Ang heneral ay damputin at bayuhin itong ulo
‘Pag bumagsak ay tadyakan, iposas at ibilanggo
Ang misis na umiiyak, dapat din daw laitin po

Ang payo ni Juan sa katotong nagagalit
Kalmahin daw ang sarili at ang mata ay ipikit
Ang suggestion po nito idaan sa panaginip
At pangaraping s’ya ang pulis na sa heneral ay dadakip

Doon ay kaya n’yang igapos, hihip ng hangin
Doon ay kaya n’yang si General Ligot ay litisin
Doon ay kaya n’yang mandarambong ay tigukin
Doon ay kaya n’yang sistema sa hustisya ay baguhin

Ang sabi ni Juan, ganito raw ang reyalidad
Na sa ating hustisya, sadya nga pong nagaganap
Kung kailan mababago? Hindi raw niya natitiyak
Baka raw po…kung sakali, sa pag-puti nitong uwak

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
March 4, 1011

No comments:

Post a Comment