Wednesday, January 5, 2011

Panaghoy, 2011


Ang Sabi ni Juan:
Panaghoy 2011

Ang sabi ni Juan, ang taong 2011 daw
Sa unang bugso pa lang nang dumaang araw
Tila ‘di maaawat, pagtaas kaliwa’t kanan
Sinisingil na serbisyo sa pobreng mamamayan

Ang NLEX at SLEX, nangunguna sa karera
MRT at LRT, ang sumesegunda
Mga provincial buses, tila rin nagbabanta
Pagtaas ng pasahe ang pinupuntirya

Kung ang TAXI driver, nakahirit na
Ang pagtaas ng pasahe, ay sumakanila
Tila gumigiri na rin Dyipning pampasada
Pamasaheng siyete ngayon, otso na daw sana

Nag-announce ang MERALCO, singil daw ay bababa
Ng ilang sentimo na sa Enero matatala
Pero sumunod dito at ngayo’y nabalita
Aprub na raw ng ERB, taas-singil na pinipita

Sa bansa nating ito, napakaraming GANID
Mga tusong negosyante’t, pulitikong manhid
Hindi dito uso, taas na ten-twenty percent
Kun’di porsiyentong daan-daan, umaabot hanggang langit

Ang sabi ni Juan labis, siyang naaawa
Sa pobreng mamamayan at ordinaryong manggagawa
Kapag daw sinuma mo, suweldo nila ay kinuwenta
Barya na lang nasa bulsa, sa pamilya’y matitira

Ang sabi ni Juan, sa gobyernong P-Noy
Hindi siya umaasang pag-asenso’y matutuloy
Sa nakikita daw niya, dadami pang magugutom
Mamamayang naghihirap, patuloy na mananaghoy

Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
Enero 6, 2011


No comments:

Post a Comment