Thursday, October 7, 2010

100 Araw ni PNoy



Ang Sabi ni Juan:
100 Araw ni P-Noy
Ang sabi ni Juan, gobyerno raw ni PNoy
Sa pag-arangkada ay nagpapatuloy
Bagama’t nalulubak at patalon-talon
Umaabante rin kahit paurong-sulong
Sa panunumpa n’ya’y binawal ang wangwang
Na siya rin mismo ang naging huwaran
Marami ring tao na sa kanya’y nasiyahan
Nang “kayo ang boss ko” winika’t tinuran
Ngunit hostage crisis sa kanya’y humarang
Sa karitong hila niya ay naging sagabal
Lalo na’t nagbunga ng trahedya’t kamatayan
Sanhi ng nangyaring katangaha’t kapalpakan
Sa pagbisita sa US, si PNoy ay bumawi
Dahil ginasta raw, kokonting salapi
Sa pag-uwi niya’y may baon pang sukli
Milyong dolyares daw, na galing sa “Tate”
Isyu ng RH Bill, kumulo din at sumubo
Sa winika ng Obispong nagpainit sa ulo
Maging nananahimik na si Padre Damaso
Ngayo’y iniugnay sa kapariang Katoliko
Di naman napatinag si PNoy sa banta
Responsible parenthood pa rin ang inaadhika
Hindi raw magbabago ang paniniwala
Pagpa-plano ng pamilya, mag-asawa na ang bahala
Sa kuwenta ni Juan at pagkakasuma
May plus at minus s’yang dito’y isinama
Sa sandaang araw ni PNoy na nagawa na
Dalawang palakol daw, ang iga-grado niya
Malayang Isip
Dimasalang, Philippines
October 7, 2010

No comments:

Post a Comment