Tuesday, August 10, 2010

Tatak na Iniwan



Tatak na Iniwan

Sila’y mandirigmang, armas ay panitik
Na isinusulat, sa papel ang hibik
Ang katotohanang, hindi natin batid
Napalalaya nila’t, naisasatinig

Sa kanilang pag-gala, ay walang sandata
Habang kumakalap, ng ibabalita
Sa layuning ipaalam, ang mali sa tama,
Buhay na rin nila, ang itinataya

Bayang niyapakan, pugad ng limatik
At mga demonyo, ang kinakatalik
Hindi nila natantong, labis ang panganib
Na hindi nila dinanas, sa ibang daigdig

Naghahari dito, mga utak tulisan
Na baril at ginto, ang pinagagalaw
Mga alagad nila’y laging, handang pumatay
Kahit mga inosente ito’t, hindi lumalaban

At naganap na nga, kinatatakutan
Mga taong bayan, nagulat, nahambal
Umagos ang dugo, sa lupaing tigang
Sa lalawigang ang ngalan, ay Maguindanao

Mga taon ay lilipas, at magpapaalam
Lagim na naganap, tatak nitong iniwan
Tatlumpung mamamahayag, na nagbuwis ng buhay
Ang nagbigay dilim, sa ating kasaysayan


Malayang Isip
Dimasalang, Philippies
Agosto 10, 2010


No comments:

Post a Comment